Bakuna kontra Meningococcemia, pag-aaralan ng DOH kung isasama sa National Immunization Program

by Erika Endraca | October 10, 2019 (Thursday) | 3704

MANILA, Philippines – Umakyat na sa 169 ang kaso ng Meningococcemia sa buong bansa ngayong taon. Mas mataas ito kumpara sa 162 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.

Ayon sa Department of Health  (DOH) nakikipag ugnayan na ang mga otoridad sa mga nakasalamuha ng pasyenteng may Meningococcemia upang mabigyan ang mga ito ng antibiotic na Prophylaxis para mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit. Ang Meningococcemia isang bacterial disease na dulot ng Neiserria Meningitidis.

“It is a bacteria that can invade the nervous system the covering of the brain in particular and it can also affect the brain proper…and children infection this is with high mortality rate” ani DOH Sec. Francisco Duque III.

Ang mga posibleng sintomas ng isang taong dinapuan ng Meningococcemia ay biglang mataas na lagnat, pagsakit ng ulo, stiff neck , kombulsyon, ubo, pagsusuka, rashes na nagkukulay ube at unstable vital signs.

Kaya’t payo ng DOH, agad na magpakonsulta sa doktor pag nakaranas ng ganitong sintomas May bakuna kontra Meningococcemia pero hindi pa ito naisasama sa National Immunization Program ng pamahalaan.

“Pag-aralan natin because number one we are not aware of the cause. Okay. We will have to look at the cause and because the attack rate is extremely low very very low. Dengue you have 320 thousand now eh ang meningo 169 cases as of September” ani DOH Sec. Francisco Duque III.

Karamihan sa mga apektado ng naturang sakit ay mga bata subalit walang pinipiling edad ang pwedeng dapuan ng Meningococcemia. Sa droplet o sa pamamagitan ng talsik ng laway ay maaaring ma transmit ang sakit na ito.

Mataas din ang posibilidad na masawi ang tinamaan nito sa loob lamang ng 24-48 oras.Sa pinakahuling report may 4 na kumpirmadong kaso ng Meningococcemia sa San Lazaro Hospital at may mga sinusuri pa ang DOH Epidemiology Bureau na mga suspected cases. Sa Paete Laguna isang 7 taong gulang na bata naman mula San Lazaro Hospital ang nagpositibo sa naturang sakit.

(Mai Bermudez | UNTV News)

Tags: ,