Bagyong lando, itinuturing na pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa ngayong taon, dahil sa laki ng pinsalang idinulot nito

by Radyo La Verdad | October 22, 2015 (Thursday) | 5271

CASUALTY
Hanggang nitong October 22,2015, umakyat na sa 41 ang kumpirmadong patay bunsod ng pananalasa ng bagyong lando sa bansa.

Naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nasawi sa lalawigan ng Benguet na umabot sa labing limang tao.

Habang nasa 78 na rin ang naitalang sugatan at nasa lima ang nawawala.

Umaabot na rin sa mahigit dalawang daan at limampung libong mga pamilya ang naapektuhan dahil sa lakas ng bagyo.

Sa kasalukuyan ay nanatili pa rin sa mga evacuation center ang mahigit sa dalawamput-limang libong pamilya, habang ang karamihan ay pansamantalang nanunulyan na sa kanilang mga kaibigan at kaanak.

Nanatili namang nasa mahigit isang daang kalsada ang hindi pa rin madaanan, habang nabawasan naman yung bilang ng mga tulay na nasira, na ngayon ay nasa labing isa na lamang.

Samantala nasa mahigit pitong bilyong pisong halaga na ng agrikultura at imprastraktura ang napinsala dahil sa bagyo.

Anim na bilyong piso rito ay pinsala sa agrikultura habang nasa mahigit siyam na raang milyong piso ang nasira sa imprastraktura.

Sa huling ulat ng NDRRMC, nakapagtala ang ahensya ng kabuoang 765 flooding incidents sa ilang lalawigan sa Northern at Central Luzon na posible pang tumagal ng ilang araw bago humupa.

Ayon sa NDRRMC, mula sa labing dalawang bagyong pumasok sa bansa,masasabing ang bagyong lando ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon base sa iniwan nitong pinsala at bilang ng mga nasawi.

Ngayong araw muling nagtungo sa Aurora Province at iba pang lugar na sinalanta ng bagyo ang rapid damage assessment and needs analysis team ng NDRRMC, upang maghatid ng tulong sa ating mga kababayan at magsagawa ng assessment sa mga pinsalang iniwan ng bagyong lando. ( Joan Nano / UNTV News )

Tags: