(UPDATE)- Nakataas pa rin ang Storm Signal No.1 sa probinsya ng Batanes habang papalapit ang bagyong Hanna (international name: Soudelor) ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa datos ng PAGASA, humina ang bagyong Hanna na may taglay na lamang na lakas ng hanging aabot sa 165kph at pagbugsong aabot sa 200kph.
Namataan ang bagyo sa layong 825 kilometers sa silangang bahagi ng Basco Batanes kaninang alas-10:00 ng umaga habang patuloy nitong binabagtas ang direksyong kanluran hilagang-kanluran na may bilis na 20 kph
Bagaman hindi tatama ng kalupaan si Hanna, palalakasin naman nito ang hanging habagat na makakaapekto sa ilang lugar sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Nagbabala pa rin ang PAGASA sa posibleng pananalasa ng flashflood at landslide sa bahagi ng Bicol, Visayas, Mindanao at sa lalawigan ng Palawan.