Bagong traffic management scheme sa bahagi ng Marcos Highway, sinimulan ng ipatupad ng MMDA

by Radyo La Verdad | October 19, 2017 (Thursday) | 3507

Matinding problema sa trapiko ang nararanasan ng mga motorista sa Marcos Highway sa bahagi ng boundary ng Pasig, Marikina at Cainta Rizal lalo na tuwing rush hour.

Bukod sa ginawang pagsasara ng ika-apat na lane ng kalsada dahil sa itinatayong LRT Line 2 extension, pabigat din ang ginagawang pagsasakay at pagbababa ng mga pasahero ng mga jeepney sa tapat ng isang malaking mall sa lugar na omuukopa ng dalawang lane ng kalsada. Kaya naman halos isang lane na lamang ang nadadaanan ng mga pribadong sasakyan.

Ngunit kahapon, maluwag nang nadadaanan ng mga sasakyan ang tatlong lane ng east boundlane ng Marcos Highway. Kasunod ito ng ipinatutupad na bagong traffic management scheme sa lugar ng Metropolitan Manila Development  Authority o MMDA.

Ipinagbabawal na sa mga jeep ang pagbababa at pagsasakay ng mga pasahero sa tapat ng mall. Hinarangan na rin ng MMDA ng mga fence ang tapat ng mall, at nagdeploy rin ng 15 traffic law enforcers upang magmando ng trapiko sa lugar.

Ang mga mahuhuling lalabag ay iisyuhan ng tiket ay pagmumultahin ng halagang 650 pesos. Mahigpit na ring babantayan ang mga jaywalkers sa lugar.

Tiniyak naman ng management ng mall na maglalagay sila na sapat na mga karatula upang maipaalam sa mga motorista ang tamang direksyon.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,