Taong 1991 nang tumama ang Bagyong Oring sa Bago City kung saan mahigit isang libong pamilyang nalagay sa panganib ang buhay ang inilikas. Kabilang dito si Lolo Eduardo Auenzo ng Barangay Bantayan.
Ayon kay Lolo Eduardo, umaabot noon hanggang dibdib ang tubig baha dahil sa walang tigil na pag-ulan at halos isang linggo bago humupa ang tubig. Isa lamang si Lolo Eduardo sa mga pamilya sa Barangay Lag-Asan na kadalasang inililikas sa mga paaralan, barangay hall o gymnasium kapag bumabaha o walang tigil ang ulan.
Kaya naman malaking tulong sa katulad niya ang bagong tayong Regional Evacuation Center sa Bago City dahil hindi na sila mahihirapan.
Ang bagong tayongRegional Evacuation Center ay kayang mag-accommodate ng halos limang daang pamilya. Mayroon itong kitchen and dining area, infirmary, operation center, male and female bathroom, powerhouse at ramps para sa persons with disability.
Naglagay na rin ng water tank, pump room, laundry area at material recovery facilities sa evacuation center. Tiniyak din ng DPWH na matibay ang pagkakatayo nito at nasa mataas na lugar kaya hindi papasukin ng baha.
Magtatayo rin dito ng warehouse para sa mga food at non-food items ng mga evacuees. Mag-aassign naman ng mga tauhan ng Office of the Civil Defense na siyang magbabantay at magmomonitor sa mga evacuee.
Ayon sa OCD, handa at maaari na itong gamitin anomang oras. Sa pamamagitan nito, hindi na mahihirapan ang mga evacuess na maghanap pa ng kanilang matutuluyan.
Samantala, maaliwalas pa rin ang panahon sa Negros Occidental kahit nasa ilalim ng signal no. 1 na ang buong probinsya dahil sa Bagyong Samuel.
Kanselado na rin ang pasok sa pre-school to elementary sa ilang mga pampubliko at pribadong eskwelahan.
Hindi na rin pinapayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) na maglayag ang mga sasakyang pandagat upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero at mangingisda.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )