Bagong number coding scheme sa Metro Manila, balak maipatupad ng MMDA sa Mayo

by Radyo La Verdad | April 13, 2022 (Wednesday) | 22879

METRO MANILA – Inaasahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maaprubahan ng Metro Manila Mayors ang isinusulong nitong bagong number coding scheme upang ibsan ang trapiko sa kalakhang Maynila.

Partikular na ang mas pinalawig na number coding scheme kung saan 4 na plate number ending na ang ipagbabawal sa kalsada mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes.

Ibig sabihin, 2 beses  maapektuhan ang bawat sasakyan sa sistemang ito ng number coding.

Sakop nito ang mga pribadong sasakyan  at hindi kabilang ang mga pampublikong transportasyon gayundin ang mga motorsiklo.

Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Romando Artes, 40% ang inaasahang mababawas sa volume ng mga sasakyan sa ilalim ng sistemang na ito tuwing rush hour.

Samantala, bukod sa panukalang traffic scheme, isinusulong din ng MMDa na i-adjust ang oras ng pasok sa trabaho ng mga kawani ng gobyerno sa Metro Manila.

Mula sa kasalukuyang alas-8 hanggang alas-5 ng hapon, itinutulak ng MMDA Chairman na gawing alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Sumulat na ang MMDA sa Civil Service Commission (CSC) at inaasahang mapag-uusapan ang planong ito pagkatapos ng long holiday.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,