Bagong flood control project ng DPWH sa lungsod ng Maynila, masusubukan na ngayong tag-ulan

by Radyo La Verdad | June 7, 2018 (Thursday) | 3647

Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pinakabagong flood control project sa Padre Burgos sa Maynila.

Ayon kay DPWH NCR Director Melvin Navarro, sa pamamagitan nito ay inaasahang masosolusyonan ang problema sa pagbaha sa Intramuros at harap ng Manila City Hall.

Bukod sa Padre Burgos, masusubukan na rin ngayong tag-ulan ang Maysilo drainage project sa Mandaluyong City na isa rin sa mga binabahang lugar sa Metro Manila. Habang ang Blumentritt flood interceptor naman ay inaasahan na ring magagamit ngayong taon.

Ngunit ayon sa DPWH, asahan pa rin ang pagbaha sa ilang mga lugar dahil hindi pa rin nila natatapos ang ilang flood control projects.

Kabilang sa mga ito ang lugar ng España, na matatapos pa anila sa loob ng susunod na dalawang taon, gayundin ang ng area ng Taft na isa rin sa madalas na binabaha.

Samantala, problema pa rin ngayon ng DPWH ang dami ng mga basura na bumabara sa mga pumping station na kung minsan ay nakakasira pa sa mga aparato.

Kadalasang umaabot anila sa tatlong dump truck ng basura ang kanilang nakokoleta na bumabara sa mga pumping station.

Dahil dito, umaapela ng kooperasyon ang DPWH sa publiko upang tuluyan nag maibsan ang problema sa pagbaha sa Metro Manila.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,