Sapilitan umanong kinumpiska ng Local Government Unit ng Antipolo City ang mga alagang baboy ng mga backyard hog raiser at inilagay sa isang malaking hukay.
Reklamo ng ilang hog raisers, sa lugar din nila inilibing nang buhay ang mga baboy.
Si Aling Maricel na dalawampung taon na sa ganitong negosyo ay napaiyak na lamang nang malamang susunod ng kukumpiskahin ang kaniyang mga alaga.
“Talaga pong napakasakit sa loob namin, para po kaming pinutulan ng paa’t kamay sa ginawa nila sa amin. Parang hindi naman makatarungan yung ginawa nila eh,” ani Aling Maricel.
Si Roselie, isa rin sa mga hog raisers, hindi alam kung papaano pa makababayad sa kaniyang pinagkakautangan.
“Basta na lang puntahan yung may-ari. Ito, kunin lahat yung Baboy. eh yun po ay utang po yan eh,” ayon kay Rosalie.
Ang ilan naman ay payag sa hakbang ng lokal na pamahalaan kung tutulungan silang makabawi sa pagkalugi.
Ayon kay Lilia Lagunzad, isang hog raiser, “eh tanggap ko po. Kaya lang, sabi ko nga sa inyo, yung puhunan, kabuhayan po namin kailangan maibalik.”
Sa panayam kay D.A. Secretary William Dar kanina, may nakahanda raw na cash assistance ang kagawaran para sa mga hog raiser depende sa pagtaya ng mga LGU.
“After this event, yung sakit ay na-control na doon sa lugar.Bibigyan natin ng ayuda, mga biik,” ani D.A. Sec. Dar.
Noong nakaraang linggo ipinag-utos ng kagawaran ang pagpatay sa mga baboy sa Bulacan at Rizal infected man o hindi ng swine disease.
Ipinatutupad ng Bureau of Animal Industry (BAI) at D.A. Regional Field Offices ang 1-7-10 protocol upang ma-kontrol ang pinaghihinalaan sakit sa mga baboy bagamat hindi tinukoy ang mga eksaktong lugar.
Ibig sabihin ang mga baboy na nasa loob ng 1 kilometer radius ng infected farms ay papatayin may sakit man o wala. Kasabay nito ang pagsasagawa ng quarantine checkpoint upang maiwasan movement ng lahat ng buhay at kinatay na baboy.
Maging ang mga kahalintulad nitong produkto sa mga piggery naman nasa 7-km radius ay kinakailangang magsagawa ng surveillance at pagsusuri sa mga hayop ang BAI. Habang ang nasa loob ng 10-km radius ay dapat na magsubmit ang ahensya ng ulat hinggil sa sakit ng mga baboy.
Ipinagbabawal din ng kagawaran sa mga hog raiser ang swill feeding o pagpapakain ng kanin-baboy dahil mataas ang panganib nito na magkaroon ng foot and mouth disease at African Swine Fever ang kanilang mga alaga.
(Jun Soriao | UNTV News)
Tags: Antiplo City, Backyard Hog Raisers, Department of Agriculture