Australian Missionary Patricia Fox, nangakong babalik sa bansa

by Radyo La Verdad | November 5, 2018 (Monday) | 6367

Nakabalik na sa Australia nitong Linggo ng umaga ang Australian missionary na si Patricia Fox matapos tanggihan ng pamahalaan ng Pilipinas na palawigin pa ang temporary visitor visa na ipinagkaloob sa kaniya ng Bureau of Immigration (BI).

Naharap sa deportation charge ang Australian nun dahil sa umano’y pakikilahok nito sa mga political activity. Inihatid pa ng iba’t-ibang grupo ang misyonaryo patungong airport bago ito tuluyang umalis ng bansa, araw ng Sabado.

Ayon kay Fox, ipagpapatuloy niya ang kaniyang mga adbokasiya sa labas ng bansa.

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban kay Fox nang dumalo ito sa isang fact-finding mission sa Mindanao na kinukunsidera ng pamahalaang isang political interference. Kasunod nito, sinuspinde ng BI ang kaniyang missionary visa, inilagay sa blacklist at iniutos ang pagpapatalsik dito sa bansa.

Una nang sinabi ng mga abogado ni Fox na paggigiit lamang sa freedom of religious expression at pagtulong sa mga mahihirap ang ginagawa ng madre.

27 taong nanatili sa Pilipinas si Fox.

Ayon sa abogado ni Fox, inaasahan nilang maglalabas ng desisyon ang Department of Justice (DOJ) ngayong linggo sa deportation case laban sa madre.

Ayon din sa kampo ng madre, babalik ng bansa si Fox kung maipapanalo ang kaso o sa oras na bumaba na sa pwesto si Pangulong Duterte.

Ayon naman sa Malacañang, ang pag-alis sa bansa ni Fox ay isang paalala sa lahat ng dayuhan na nananatili sa Pilipinas na limitado ang pribilehiyo at karapatang ipinagkakaloob sa kanila.

Batay sa pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi tulad ng ipinagkaloob na political rights sa mga mamamayang Pilipino, walang ganitong pribilehiyo ang mga dayuhan sa bansa.

Ang pakikilahok umano ni Fox sa mga protest rallies bilang bahagi ng kaniyang adbokasiya ay paglabag sa kondisyon ng kaniyang pananatili sa bansa, pagkutya sa umiiral na batas at pag-abuso sa magiliw na pagtanggap sa kaniya sa Pilipinas.

Wala rin aniyang paniniil sa freedom of expression sa bansa at sumailalim sa ligal na proseso ang ginawang aksyon ng pamahalaan laban kay Fox.

Pinasalamat din ng Malacañang ang anomang mabuting nagawa ni Fox para sa bansa gayunman ang payo nito sa misyonaryo, sundin ang batas saan man siya naroroon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,