Assurance ng gov’t agencies na walang vehicle shortage sa PUVMP, pinagdudahan

by Radyo La Verdad | January 25, 2024 (Thursday) | 6945

METRO MANILA – Nagbabala ang mga mambabatas sa kamara na sisingilin nila ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) oras na magkaproblema ang publiko sa masasakyan kapag tuluyan nang naipatupad ang franchise consolidation ng Public Utility Vehicle (PUV) sa February 1, 2024.

Noong December 31, 2023 ang consolidation deadline para sa PUV drivers at operators. Subalit hangggang January 31, 2024 naman maaaring mag-operate ang mga unconsolidated Public Utility Vehicles (PUV).

Sa gitna ito ng ulat na marami pa ring ruta sa bansa ang walang consolidated jeepney at uv express units.

Samantala, inaprubahan na ng House Committee on Transportation ang resolution na humihiling kay Pangulong Bongbong Marcos Junior na palawigin ang deadline ng franchise consolidation na inihain ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez.

Sa resolusyon, bagaman long overdue na ang modernization ng public transportation at walang kwestyon sa intensyon ng PUVMP, dapat na aniyang tiyaking naaayon sa batas at due process ang mga kinakailangang reporma.

Ito ay upang matiyak na napo-protektahan ang mga apektadong stakeholders at riding public.

Kaya naman hinihikayat ng mga mambabatas si PBBM at ang Department of Transportation na i-reconsider ang pagpapatupad sa deadline ng industry consolidation sa ilalim ng PUVMP.

Sa February 1, 2024, ituturing nang colorum ng LTFRB ang unconsolidated jeepneys.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: ,