Articles of impeachment laban kay CJ Sereno, pagbobotohan na ng House Committee on Justice ngayong araw

by Radyo La Verdad | March 19, 2018 (Monday) | 3961

Itutuloy na ng House Committee on Justice ngayong araw ang botohan sa nilalaman ng articles of impeachment laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Una na itong ipinagpagpaliban noong isang linggo dahil hindi pa magkasundo ang mga myembro ng kumite kung anu-ano ang mga grounds na kanilang ilalagay.

Ayon kay Committee Chairman Rey Umali, mula sa pitong grounds na ngayon ay kasama sa articles of impeachment ay pipili pa rin sila ng may mabibigat na ebidensyang mayroon sila.

Nanindigan naman si Umali na hindi nakikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa impeachment proceedings laban sa punong mahistrado. Dagdag pa nito, ni minsan ay hindi siya kinausap ng pangulo hinggil dito.

Kapag nakakuha ng mayorya ng boto ang articles of impeachment, may 10 araw ang kumite para dadalhin na ito sa plenaryo.

Subalit una nang sinabi ni House Majority Floor Leader Rudy Fariñas na hihintayin muna nila ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto petition na isinampa laban kay CJ Sereno.

Base sa rules, kung maisasama sa agenda ang artices of impeachment sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon sa ika-14 ng Mayo, may hanggang Oktubre ang plenaryo para pagbotohan ito.

1/3 o 98 na boto ang kailangan para tuluyang ma-impeach ng Kamara si CJ Sereno.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,