Approval at trust ratings ni Pangulong Duterte, bumaba – Pulse Asia survey

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 7366

Bumaba ang approval at trust ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa pinakahuling ulat ng Pulse Asia survey.

Mula sa 88 percent approval rating noong Hunyo 2018, bumaba ng 13 percent at naging 75 percent ang grado ng Pangulo sa buwan ng Setyembre.

15 percent naman ang ibinaba sa trust ratings nito, na mula 87 percent ay naging 72 percent na lamang ito.

Hindi naman nababahala dito ang Malacañang dahil ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mataas pa ring maituturing ito at malaki pa rin ang tiwala ng publiko sa Administrasyong Duterte.

Samantala, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang media interview sa Jolo, Sulu na naghihinakit siya sa ilang sundalong kasabwat umano ng mga grupong nagpaplano na patalsikin siya sa pwesto.

Una nang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may broad collaboration umano sa mga makakaliwang grupo, Magdalo Partylist at mga miyembro ng oposisyon upang ilunsad ang Red October plot movement o oplan talsik laban sa punong ehekutibo.

Samantala, nanininiwala naman ang punong ehekutibo na hindi magtatagumpay ang anomang planong pagpapatalsik sa kaniya kung walang suporta ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at pambansang pulisya.

Hindi naman niya hahayaang magkaroon ng gulo at kusa aniya siyang bababa sa pwesto kung talastas niyang ayaw na siyang maging commander-in-chief ng AFP at PNP.

Pagtitiyak naman ng pamunuan ng AFP, buo ang kanilang suporta sa kanilang kasalukuyang commander-in-chief.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,