Alkalde ng Sudipen, La Union at dalawang kasama nito, patay sa ambush

by Radyo La Verdad | October 2, 2018 (Tuesday) | 3855

Dead on arrival sa ospital ang alkalde ng Sudipen, La Union na si Mayor Alexander Boquing matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang grupo ng mga suspek alas sais kwarenta kagabi sa Bangar-Castro Provincial Road, Brgy. Cadapli, Bangar, La Union.

Ayon kay La Union Provincial Police Office Director, Police Senior Supt. Ricardo Layug Jr., pauwi na sana ang mga biktima galing sa burol ng isang kakilala ng pagbabarilin ng mga suspek ang kanilang sasakyan.

Patay din ang driver ng alkalde na kinilalang si Boni Depdepen at police security escort nito na si PO2 Rolando Juanbe.

Sugatan naman ang asawa nito na Sudipen Vice Mayor Wendy Joy Boquing na isinugod sa Lorma Medical Center.

Sa ngayon ay mahigpit ang seguridad na ipinatutupad sa pagamutan at walang pinahihintulutang makapasok na mga kawani ng media.

Wala pa ring ibinibigay na pahayag ang pamilya ng mga biktima.

Blangko pa ang mga pulis sa motibo ng pananambang, ngunit masusi anila nilang iimbestigahan ang insidente.

 

( Toto Fabros / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,