Alegasyong pini-pressure ng pamahalaan ang hukom na may hawak ng kaso ni Sen. Trillanes, pinabulaanan ng DOJ

by Radyo La Verdad | October 15, 2018 (Monday) | 6551

Tinawag na unfair o hindi patas ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra ang akusasyon ng kampo ni Senator Antonio Trillanes IV na umano’y pag-pressure ng pamahalaan kay Makati Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano. Ito ang may hawak ng kasong kudeta ng mamababatas.

Sa isang statement sinabi ni Guevarra na walang katotohanan ang alegasyon na ito ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano.

Bagkus aniya ay ang kampo nito ang maliwanag na nagnanais na impluwensyahan sa magiging ng hukom at guluhin ang maayos na sistema ng hustisya.

Ayon pa sa kalihim, hindi inuugali ng kanilang kagawaran na makipagsagutan sa mga ito sa labas ng korte o sa media, ngunit sumosobra anila ang mga ito sa kanilang akusasyon.

Noong Sabado ay sinabi ni Rep. Alejano sa isang news forum sa Quezon City na kumpyansa ito na magbibigay ng tamang desisyon si Judge Soriano kaugnay ng kaso Sen. Trillanes.

Ito ay sa kabila ng nakuha umano nilang impormasyon na matindi ang pag-pressure dito ng pamahalaan. Tumanggi naman itong i-detalye kung anong uri ng pressure ang tinutukoy nito.

Si Judge Soriano ay nakatakdang maglabas ng kanyang desisyon sa hiling ng Deparment of Justice (DOJ) na maglabas ng arrest warrant laban sa senador.

Kaugnay ito ng kasong kudeta dahil sa Oakwood mutiny noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Naungkat ang kaso ni Trillanes matapos na ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnesty na ibinigay sa senador ni former President Ninoy Aquino III dahil wala umano itong application form.

Una nang ipinaaresto ng Makati RTC Branch 150 si Trillanes kaugnay ng kanyang kasong rebelyon ngunit agad din itong nakapagpyansa.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,