Alegasyon sa pag-antala sa pagbibigay ng pensiyon at benepisyo ng mga retiradong justice at judge ng SC, kinumpirma ni Justice Midas Marquez

by Radyo La Verdad | December 6, 2017 (Wednesday) | 2602

Muling humarap sa impeachment court si Supreme Court Administrator Midas Marquez. Kinumpirma nito na hindi na nakapag-release pa ng pensiyon at benepisyo sa mga retiradong justices ng Supreme Court at judges ng mga korte sa bansa na karamihan ay nasa edad edad 80 – 94 anyos na, ito ay mula ng itinatag ang isang special committee at dalawang technical working group sa Korte Suprema.

Kumpara sa dating proseso na inaabot lamang ng dalawa hanggang tatlong linggo bago maibigay ang mga benepisyo at pensiyon.

Bumilis nalang umano muli ang proseso ng pagbibigay ng pensiyon at benepisyo nang lumabas na sa media na may isang claimant ang kinamatayan na ang paghihintay sa kaniyang benepisyong dapat na matanggap. Pinabulaanan naman ito ng kampo ni CJ Sereno.

Samantala, pinagbawalan na ng kumite ang complainant na si Atty. Larry Gadon na maglabas ng mga hindi kumpirmadong impormasyon sa media, ito ay kasunod ng akusasyon nitong sinusuhulan umano ng 200-milyong piso ang anim na senador para absweltuhin si CJ Sereno pagdating sa impeachment trial na wala naman umanong malinaw na source.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,