ALAMIN: Personal security apps panlaban sa krimen

by Jeck Deocampo | February 1, 2019 (Friday) | 1645

METRO MANILA, Philippines – Isang hayag na katotohanan na maraming krimen ang nangyayari araw-araw. Ang ilan nagsasabing hindi ligtas kung maglalakad nang mag-isa lalo na sa gabi. Maaaring nakapag-text ka sa pamilya mo o sa mga kaibigan mo na pauwi ka na, pero sapat na ba ito?

Sa kabutihang palad, ang mga smartphone natin ay maraming pwedeng magawa maliban sa pagpapadala ng text messages.

Magagawa na ng smartphone na mapigilan ang masasamang balak ng iba sa’yo at maipagbigay alam ang ating mga mahal sa buhay kapag dumating ang mga hindi inaasahang pangyayari. Magagawa na lahat ‘yan sa pamamagitan ng mga tinatawag na personal security apps.

Una sa listahan ang Life360, isang family locator app para sa Android at IOS devices.

Ito ay isang GPS tracking app para sa sinomang isasama mo sa iyong grupo. Kinakailangan lamang ng tinatawag na ‘circle’ at idagdag ang mga miyembro ng pamilya o mga kaibigan upang malaman mo ang kanilang lokasyon gamit ang mapa.

Pwede rin magpadala ng message o help alert na ipapasa sa mga miyembro ng grupo. Mararamdaman mong hindi ka nag-iisa dahil alam mong may mga tao na alam kung nasaan ka.

Pangalawa naman ang bSafe, isang personal security app na mayroon ding GPS tracking, isa sa magandang feature nito ay ang ‘Follow Me Home.’ Kapag na-activate, malalaman ng iyong guardian na i-track ng live ang iyong lokasyon na magbibigay ng kapanatagan na mayroong virtually na nakabantay sa’yo.

Isa pang magandang feature ay ang alarm system na magbibigay ng mensahe sa iyong guardian patungkol sa iyong kasalukuyang kinaroroonan kasama ang audio at video recording.

Isa pang personal security app ay ang Red Panic Button. Ito ay simpleng bersyon ng ibang security apps. Pipindutin lang ang ‘panic button’ at awtomatikong magpapadala na ito ng text message at email sa iyong mga napiling contact person para ipagbigay alam kung ano na ang nangyayari sa iyo.

Malaki rin ang maitutulong ng Pure Force, isang app na sariling atin na naglalaman ng mga emergency number para sa police, bumbero, ospital, rescue at iba pa. Anumang concern ay madaling maipararating sa kinauukulan gaya ng pagre-report ng isang aksidente, illegal parking, sunog at iba pa.

Ang Pure Force app ay magagamit lamang eklusibo sa Pilipinas.

Upang hindi naman mahuli sa mga balitang nangyayari sa loob at labas ng bansa, i-download na ang UNTV News and Rescue app. Sa pamamagitan nito, malalaman mo ang mga maiinit na balita at iba pang impormasyon na makatutulong sa lahat ng mga Kasangbahay.

Nasa app rin ang mga contact para sa UNTV Rescue na maaaring rumesponde sa panahon ng emergency.

Laging tatandaan na kung ginagamit ng iba ang teknolohiya sa masama, mas dapat natin itong gamitin sa mabuti lalong lalo na kung para sa ating kaligtasan.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , , , , , , ,