Mga suspek sa Jolo, Sulu bombing, tinutugis na ng militar

by Jeck Deocampo | January 30, 2019 (Wednesday) | 25086

SULU, Philippines – Tinutugis na ng militar ang mahigit sampung miyembro ng Ajang Ajang group na hinihinalang responsable sa pagpapasabog sa Jolo, Sulu. Ayon kay AFP Western Mindanao Command LTC. Gerry Besana, kilala ng mga residente ang mga suspek dahil tagaroon din ang mga ito.

Sa kuha ng security cameras ng ilang establisyimentong malapit sa pinasabog na katedral sa Jolo, Sulu ay kitang-kita ang tatlo sa mahigit sampung mga suspek sa pagpapasabog na nakilala na ng militar.

Ani PNP PDG Chief Oscar Albayalde, “basically, itong Ajang Ajang na ‘to either kapatid (o) anak nitong mga Abu Sayyaf din… Itong mga ito basically ay members ng Abu Sayyaf also.”

Sinabi naman ni AFP-Western Mindanao Command Spokesperson LTC. Gerry Besana na isa sa tatlong nahagip ng cctv ay si alyas Kamah na kapatid ni Abu Sayyaf sub leader Surakah Ingog na napatay sa military operation.

Si Kamah aniya ang naka blue green na jacket na siyang pumindot sa cellular phone na ginamit bilang triggering device sa pagpapasabog.

“Sila talaga, nakita yung pagpitik sa cellphone sakto sa pagsabog and at the same time 100 percent ang identification. Kilalang-kilala ‘yan, hindi ‘yan bago. Hindi ‘yan iba diyan sa lugar,” pahayag ni Besana.

Bihasa aniya sa paggawa ng bomba si Kamah katulad ng kapatid nito na si Ingog. Ang Ajang Ajang group ay sangkot din umano sa kidnapping, extortion at iba pang krimen sa mga urban area sa Sulu.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , , , , , ,