AFP, hiniling sa Senado na palawigin sa 30 days ang pagkulong sa mga hinihinalang terorista kahit walang warrant

by Radyo La Verdad | October 2, 2018 (Tuesday) | 5378

Mula sa dating tatlong araw na pagakakaditene sa isang pinanghihinalaang terrorista, nais ng mga security forces ng bansa na paliwigin ito sa tatlumpung araw.

Sa ilalim ng Human Security Act, hindi dapat na humigit sa tatlong araw ang pagkakakulong ng isang naarestong suspected terrorist maliban na lamang kung mayroong written approval mula sa korte o sa Human Rights Commission.

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Public Safety hinggil sa panukalang anti-terrorism bill.

Iminungkahi ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr. na dapat na gawing 30 araw ang pagkakaditene sa mga suspected terrorist kahit wala pang naisasampang kaso upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga otoridad na maibestigahan ang mga ito.

Dagdag pa ni Galvez, isang paraan rin ito upang mapigilan ang posibleng kasunod na mga tangkang pagatake na kadalasang ginagawa ng mga teroristang grupo.

Sang-ayon rin sa panukalang ito si Department of Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año, na dating ring nagsilbing hepe ng AFP.

Naniniwala si Año na sapat ang 30 araw upang makalap ng militar ang lahat ng mahahalagang impormasyon laban sa isang pinanghihinalaang terorista.

Ayon naman kay Senator Panfilo Lacson, kinakailangan munang baguhin ang depenisyon ng salitang terorista sa ilalim ng Human Security Act, dahil para sa mambabatas hindi naman pinipilit ng isang terorista ang pamahalaan na gawin ang isang bagay na nais nilang mangyari o makuha.

Bukod sa pagpapalawig sa pagkakaditene ng mga suspected terrorist, hiniling rin ng AFP sa Senado na gawing 90 araw ang surveillance sa mga ito mula sa dating tatlumpung araw.

Layon ng anti-terrorism bill na maamyendahan ang umiiral na Human Security Act, upang gawing mas makapangyarihan ang batas ng bansa laban sa terorismo.

Ayon pa kay Senator Lacson, isa ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamahinang anti-terrorism laws.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,