Nakatakdang ilabas sa Hunyo ng Philippine Airforce ang resulta ng imbestigasyon sa pagbagsak ng isang UH-1D chopper nito sa Tanay, Rizal noong nakaraang linggo.
Tatlo ang nasawi sa insidente habang isa naman ang sugatan.
Una nang kinumpirma ng Philippine Airforce na mayroon silang labing dalawang UH-1D.
Ngunit hindi pa muna nagbigay ng detalye kung kasama ang bumagsak na chopper sa Rizal sa pitong refurbished o segunda-manong air assets na nabili mula sa kwestyunableng kontrata ng defense department sa Rice Aircraft Services Inc. noong 2013.
Matatandaang isang UH-1D chopper din ang bumagsak sa Sarangani noong 2015.
Bunsod nito, nais ni Sen. JV Ejercito na muling buksan ang imbestigasyon ng Senado ukol sa pagbili ng mga segunda-manong chopper.
Wala namang nakikitang problema rito si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Eduardo Ano.
Sa ngayon ay ipinatigil muna ang paggamit ng mga UH-1D choppers ng P-AF habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
(Leslie Longboen)
Tags: AFP, mga segunda-manong choppers, Senado