METRO MANILA – Simula sa Lunes November 14 magiging alas-11 ng umaga hanggang alas-11 na ng gabi ang mall hours sa National Capital Region (NCR) mula sa kasaluyang 10am hanggang 9pm na schedule, alinsunod sa napagkasunduan ng MMDA at mall operators.
Layon nito na maiwasan ang inaasahang pagbigat ng trapiko habang papalapit ang holiday season.
Gayunman may ilang establisyimento ang exempted dito gaya na lamang ng mga restaurant na nagse-serve ng almusal maging ang mga grocery store sa loob ng mall.
Ayon sa MMDA papayagan ang mga ito na magbukas ng mas maaga upang mapagsilbihan ang kanilang mga customer.
Habang ang delivery naman ng mga produkto ibinebenta sa mga mall, ay gagawin na lamang mula alas-11 ng gabi hanggang ala-5 ng umaga, maliban naman ang mga perishable items o yung mga produkto na madaling masira.
Pinakiusapan rin ng MMDA ang mga mall operator na gawing na lamang tuwing weekend ang pagdaraos ng mga sale, upang maiwasan ang dagsa ng mga tao tuwing weekdays na magreresulta sa matinding traffic.
Sa pagtaya ng ahensya nasa 10%-20% ng mga sasakayan ang madaragdag sa traffic volume sa Edsa ngayong holiday season.
Sa ngayon umaabot na sa higit 400,000 na mga sasakayan ang araw-araw na bumabagtas sa Edsa na katumbas ng pre-pandemic level.
Samantala, makikipag-ugnayan ang MMDA sa Department of Transportation (DOTr) para ipakiusap ang planong extension sa oras ng biyahe sa Edsa bus way ng hanggang alas-12 ng hating gabi upang makalibre pa rin sa mga pamasahe ang mga empleyado ng mga mall na gagabihin dahil sa adjustment sa mall hours.
Tiniyak naman ng MMDA na may nakahanda silang mga traffic law enforcer na makakatulong sa pagmamando ng trapiko sa paligid ng mga mall upang maiwasan na tumukod ang pila ng mga sasakyan sa Edsa.
(JP Nunez | UNTV News)
Tags: holiday season, mall hours, MMDA, NCR