Acting CJ Antonio Carpio, inendorso ng IBP bilang susunod na punong mahistrado ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | June 27, 2018 (Wednesday) | 3151

Sa pormal na pagbubukas ng aplikasyon at nominasyon sa susunod na punong mahistrado ng Korte Suprema, maugong ang pangalan ni Acting Chief Justice Antonio Carpio sa hanay ng mga maaaring pagpilian ng Pangulo.

At kahapon, inirekomenda ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pinakamalaking samahan ng mga abogado sa bansa na ang pansamantalang humahaliling punong mahistrado ang karapat-dapat sa nasabing posisyon.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ng IBP, iginiit nitong bilang tradisyon at bilang isa sa pinakamatagal nang mahistrado ng kataas-taasang hukuman. Si Carpio ang dapat na pumalit sa napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ngunit una nang sinabi ni Carpio na hindi niya tatanggapin ang nominasyon dahil sa hindi nito pagpabor na mapatalsik si Sereno sa pamamagitan ng quo warranto.

Itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Carpio bilang miyembro ng Supreme Court taong 2001 at nagsilbi na ring Acting Chief Justice nang ma-impeach ang yumaong CJ Reynato Corona.

Isa rin si Carpio sa mga tumulong upang mapalakas ang kaso ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) kaugnay ng mga pag-aaring isla at bahagi ng dagat ng Pilipinas sa South China Sea.

Otomatikong naisama sa listahan ng nominado sina Carpio, Associate Justices Teresita de Castro, Lucas Bersamin at Diosdado Peralta.

Maaari naman nilang tanggapin o tanggihan ang nominasyon hanggang ika-26 ng Hulyo 2018.

Samantala, ipinahayag ni Albay Rep. Edcel Lagman na dapat tanggihan ng walong mahistrado na bumoto pabor sa pagpapatalsik kay Sereno ang kanilang nominasyon sa pagka chief justice.

Dagdag pa ni Lagman, nakatakda nilang sampahan ng impeachment complaint sa Kamara ang naturang mga mahistrado dahil sa culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust kaya dapat ma-disquialify ang mga ito sa nasabing posisyon.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,