METRO MANILA, Philippines – Sasampahan ng reklamo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Office of the Ombudsman sina Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, PNP Chief Oscar Albayalde at ilan pang mga opisyal nito.
Ayon kay ACT Teachers Party List Representative Antonio Tinio, violation of Election Laws and Data Privacy ang magiging basehan ng kanilang reklamo dahil sa paniniktik umano ng mga pulis sa kanilang mga miyembro.
“Yung mga pulis na pumupunta sa eskwelahan ay may dalang mga memo…ang direktiba niyan kunin ang pangalan ng lahat ng miyembro o kaalyado ng ACT,” ani Representative Tinio. “Malinaw din sa memo na kaugnay ang paniniktik na ito sa parating na eleksyon.”
Isang resolusyon rin ang inihain ng grupo sa Kamara para imbestigahan at pagpaliwanagin ang PNP at DILG patungkol sa isyung ito.
Pahayag ni Representative France Castro ng ACT, “ano bang turing nila sa mga teachers? Kaaway ba ng administrasyong Duterte?”
Sa isang pahayag sinabi ng Commission on Human Rights na paglabag sa rights to privacy at association ang ginagawa ng PNP.
Ngunit nanindigan si PNP Chief Oscar Albayalde na kasama sa kanilang mandato ang pagsasagawa ng intelligence gathering. Wala rin umanong dapat ikatakot ang ACT kung wala silang ginagawang labag sa batas.
Sinabi pa ni Albayalde na handa nilang harapin anuman ang reklamong isasampa ng grupo, “hindi lahat ng member ng ACT are supporting the left. Kaya kailangan makita kung sino talaga ang sumusuporta in their organization dito sa rebelde…If they can file a case, we can file counter charges also.”
Una na ring sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo na ginagawa lamang ng mga pulis ang kanilang trabaho.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: ACT Teachers, Act Teachers Party List Rep Antonio Tinio, Alliance of Concerned Teachers Party-list Representative Antonio Tinio, DILG, election law, PNP Chief Oscar Albayalde