Acquittal kay Rep. Arroyo sa electoral sabotage case, banta sa 2019 elections – Colmenares

by Jeck Deocampo | January 4, 2019 (Friday) | 3350

METRO MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang isa sa mga election lawyer noong 2007 midterm election matapos ma-acquit si dating Pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Arroyo sa election sabotage case nito.

Matatandaang bago matapos ang 2018, dinismiss ng Pasay Regional Trial Court ang electoral sabotage case ni Arroyo dahil hindi napatunayan ng prosekusyon na nakialam umano ang dating Pangulo sa sa nasabing eleksyon para manalo ang kanyang mga kapartido.

Pahayag ng election lawyer na si Atty. George Erwin Garcia, “hindi naman kasi pupwedeng porke sinabi lang ng dating Pangulo na gusto ko ‘yung aking buong team manalo, gusto ko 12-0 ‘yan, eh, instruction ‘yun para mandaya.

Pero ayon kay dating Congressman Neri Colmenares na isa sa mga election lawyer noong 2007 midterm elections, saksi siya sa talamak na dayaang nangyari lalo na sa Mindanao kaya imposibleng mahina ang kaso.

“As a lawyer, I witnessed a precinct in Maguindanao with 2000 votes, eh ang presinto noon 200-300 lang ang botante.”

Ayon kay Colmenares banta ito sa paparating na eleksyon. 

“Lalo na magiging matapang ngayon ‘yung mga gustong mag-commit ng electoral fraud na gawin ito sa 2019. Kasi ang message dito you can do the crime but not do the time.”

Maliban sa 2007 electoral sabotage case nasangkot rin si Arroyo sa ‘Hello Garci’ scandal noong 2004.  Base sa isang recorded na usapan sa telepono nina dating Comelec Comissioner Virgilio Garcillano at ng isang babae na pinaniniwalaang si Arroyo. Tinanong ng babae si Garcillano kung mananatiling isang milyon ang kaniyang lamang sa kabuoan.

Laman din ng usapan ang umano’y pagmamanipula sa resulta ng bilangan noong 2004 elections kung saan si Arroyo ay tumatakbong presidente laban kay Fernando Poe Jr. Natalo si Poe pero naging kwestyunable ang pag-upo ni Arroyo sa pwesto.

(Grace Casin / UNTV News)

Tags: ,