Tatlong miyembro ng news team ng ABS-CBN ang nakaligtas sa kamatayan nang tambangan ng riding-in-tandem perpetrators sa Bangolo, Marawi City noong Sabado ng hapon.
Batay sa ulat ng Police Regional Office ng Autonomous Region of Muslim Mindanao, kinilala ang mga biktima na sina Ronnie Enderes- reporter ng ABS-CBN Iligan City, Garie Montesillo- driver at Emilito Balansag- cameraman.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng kanilang mobile car na Ford pick-up (WMV-435) bandang 12:30 noong Sabado at pabalik ng Iligan City mula sa coverage sa Ramain, Lanao del Sur kaugnay ng pagpapasabog sa isang National Grid Corporation of the Philippine (NGCP) tower sa Brgy. Linamon.
Pagdating sa Marawi, bigla na lamang pinaputukan ang grupo ng mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na sumusunod sa kanila.
Agad na tumalilis papalayo ng lugar ang mga suspek.
Wala namang nasugatan sa mga biktima na agad nagtungo sa Camp Ranao ng 103rd Brigade ng Phil. Army para sa kanilang kaligtasan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang nasa likod ng pamamaril.