9% na paglago ng turismo sa bansa, naitala ng DOT mula Enero-Hulyo

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 9131

Tiwala ang Department of Tourism (DOT) na maaabot nito ang target na 7.4 milyong tourist arrivals sa Pilipinas ngayong taon.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, mula Enero hanggang Hulyo ngayon taon, 4.3 milyong turista ang bumisita sa bansa kumpara sa 3.92 milyon noon 2017 sa kaparehong panahon o 9.7% na paglago.

At sa unang pitong buwan ng taon, marami pa ring British tourists ang bumisita sa Pilipinas sa kabila ng pansamantalang pagsasara ng Boracay dahil sa rehabilitasyon ng isla. Naitala ang 9.46% na growth rate sa British arrivals mula Enero hanggang Hulyo.

Inaasahang naman na maaabot ang 200 libo na target na bilang ng mga turista mula sa United Kingdom ngayong taon, mas mataas sa 182 libo mahigit na naitala noong 2017.

Base sa datos ng Statistics, Economic Analysis and Information Management Division ng DOT, nananatiling ang South Korea ang nganungunang pinagkukunan ng merkado ng Pilipinas sa turismo, sumusunod ang China, Estados Unidos, Japan at Australia.

Ayon kay Sec. Puyat, ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mabuting pakikisama sa kapuwa ay isa rin sa nagiging dahilan sa pag-angat ng industriya ng turismo ng bansa.

Nagtungo sa United Kingdom noong Linggo ang Philippine economic managers ng administrasyong Duterte kabilang na si Puyat upang isulong ang infrastructure development ng Pilipinas sa mga British firms.

 

( Dennis Damasco / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,