9 High profile inmates ibinalik na sa building 14 mula sa medium security compound ng NBP

by Radyo La Verdad | July 28, 2017 (Friday) | 3919


Sinuyod ng PDEA at CIDG kasama ang mahigit tatlong daang mga bagong miyembro ng police Special Action Force na nakabantay sa New Bilibid Prisons ang medium at maximum security compound.

Nakumpiska rito ang ilang kontrabando gaya ng mga celphone, patalim at hinihinalang mga iligal na droga.

Layon ng oplan galugad na alisin ang lahat ng mga ipinagbabawal na bagay sa kulungan kasunod na rin ng ulat ng muling pagbalik ng illegal drug trading sa loob ng bilibid.

Sinasabi ring sangkot dito ang ilang dating nagbabantay na SAF troopers kaya pinalitan sila ng bagong contingent.

Muli ring ibinalik sa building 14 ang siyam na high-profile inmates na unang napaulat na inilipat sa medium security.

Isinakay sa PNP coaster ang mga inmate na kinilalang sina Vicente Sy, Rico Caja, Benjamin Marcelo, Samli Chua, Peter Co, Hans Anton Tan, Joel Capones, Jojo Baligad at Jose Chua.

Ayon sa Bureau of Corrections, noong buwan ng marso nalipat sa medium security ang high-profile inmates nang wala umanong kaukulang permiso mula sa Department of Justice.

Kumpiyansa naman si Sec. Aguirre na hindi babaliktad ang mga tinaguriang bilibid 19 sa kanilang mga naging pahayag laban kay Secretary Leila de Lima ngayong ibinalik na sila maximum compound ng NBP.

(Sherwin Culubong / UNTV Correspondent)

Tags: ,