9-dashed lines ng China, hindi kinikilala ng Arbitral Tribunal ng UNCLOS ayon kay Senior Associate Justice Antonio Carpio

by Radyo La Verdad | November 6, 2015 (Friday) | 1930

carpio
Hindi kinikilala ng China ang jurisdiction ng Arbitral Tribunal ng UNCLOS sa kasong isinampa ng Pilipinas patungkol sa maritime dispute sa West Philippine Sea.

Ang katwiran ng China, isyu ito ng soberanya at overlapping na exclusive economic zone batay sa kanilang 9-dashed line kayat hindi ito sakop ng jurisdiction ng tribunal.

Ngunit sa ruling na inilabas ng tribunal nitong nakalipas na Byernes, sinabi nitong walang isyu ng soberanya at EEZ sa claim ng Pilipinas partikular sa panatag o Scarborough Shoal.

Ayon kay senior associate justice Antonio Carpio, ipinakikita lamang nito na hindi kinikilala ng tribunal ang 9-dashed line ng China at malaki ang posibilidad na kakatigan ng tribunal ang hiling ng Pilipinas na mapawalang-bisa ito.

Naniniwala rin ang mahistrado na dapat gawing isyu ng COMELEC ang maritime dispute sa pagitan ng China at Pilipinas sa gagawing presidential debate sa darating na Pebrero.

Wala rin aniyang problema kung bubuksang muli ng susunod na pangulo ng bansa ang pakikipag negosasyon sa China basta’t huwag lamang babawiin ang kasong isinampa ng Pilipinas.

Sa darating na November 24 hanggang 30, itutuloy ng tribunal ang pagdinig sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China.

Pagkatapos nito, apat hanggang anim na buwan pa ang hihintayin bago mailabas ang desisyon.

Ayon kay Justice Carpio, posibleng maglabas ng ruling ang tribunal bago o pagkatapos ng halalan sa susunod na taon.

(Roderick Mendoza/UNTV News Correspondent)

Tags: , ,