67% ng mga Pilipino, pabor na taasan ang tobacco tax – Pulse Asia survey

by Radyo La Verdad | November 6, 2018 (Tuesday) | 5462

Pabor ang 67% ng mga Pilipino na maitaas ang tobacco tax batay sa lumabas na Pulse Asia Ulat ng Bayan survey nitong Setyembre. Respondents sa survey ang mga smoker, non- smokers, mga dating smoker at kamag-anak ng isang naninigarilyo.

Lumabas din sa survey na mas nanaisin ng mga Pilipinong botante na piliin ang mga kandidatong isusulong ang kalusugan ng mga Pilipino partikular na sa mga susuporta sa mas mataas na sin tax sa bansa.

Nananawagan naman ang Department of Health (DOH) sa Kongreso na ipasa na ang panukalang P90 pesos tobacco tax.

Kapag pumasa ang panukalang batas ang kasalukuyang 40 hanggang 50 pesos na presyo ng kada pakete ng sigarilyo ay magiging P130- P140 na.

Naniniwala ang DOH na ang mataas na buwis sa tobacco products ay makatutulong upang maisalba ang buhay ng maraming Pilipino na nagkakasakit dahil sa paninigarilyo.

Bukod sa mapapababa ang tobacco-related deaths sa bansa, magagamit din ang malilikom na buwis o sin tax mula sa tobacco products bilang pondo sa isinusulong na Universal Health Care Bill.

Sa kasalukuyan, pasado na sa third reading sa Kamara at Senado ang naturang panukala at isasalang na sa bicameral conference upang pag-isahin ang dalawang bersyon ng Kamara at Senado.

Kapag naisabatas ang UHC, mangangailangan ng P257 billion pesos sa pondo upang maipatupad sa unang taon at mabigyan ng kalidad na health services ang bawa’t Pilipino.

Manggagaling sa sin tax ang P164 billion pesos na pondo ng UHC.

Ayon sa World Health Organization (WHO), maituturing na win-win solution para sa bawa’t Pilipino ang pagkakaroon ng Universal Health Care sa Pilipinas.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,