63 barangays sa North Cotabato, mapapabilang na sa Bangsamoro Region

by Jeck Deocampo | February 15, 2019 (Friday) | 40851

MINDANAO, Philippines – Naglabas na kahapon ang National Plebsicte Board of Canvassers (NPBC) ng desisyon kaugnay sa isinagawang second round ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) noong Pebrero 6.

Ang isinagawang plebisito ay upang makita sa resulta ng mga boto kung mapapabilang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang anim na bayan ng Lanao del Norte maliban sa Iligan City at ang 67 barangay sa pitong bayan ng North Cotabato.

Batay sa inilabas na desisyon ng Comelec, mayorya sa mga barangay sa North Cotabato ay mapapabilang sa itatatag na rehiyon. Kabilang dito ang Barangay Dunguan at Tapodoc ng Aleosan, North cotabato. 7 barangay sa Carmen; 7 sa Kabacan; 13 sa Midsayap; 12 sa Pigkawayan at 22 sa Pikit.

Apat lang na barangay sa North Cotobato ang hindi mapapabilang sa BARMM. Ito ay ang Barangay Lower Mingading at Barangay Pagangan sa Aleosan, at ang mga barangay ng Tulunan, Galidan at Balatican sa Pikit, North Cotabato.

Hindi nagkaroon ng “double majority yes votes” sa naturang mga barangay kaya’t hindi na sila mapapasama pa sa BARMM.

Gayon din ang anim na bayan ng Lanao del Norte kung saan nanaig ang kanilang “no” votes kumpara sa “yes” votes na mapasama sa BARMM. Adjourned na nga at tapos na ang canvassing ng ikalawang bugso ng plebisito.

Ani Comelec Chairman Sheriff Abas,  “After proclaiming that more than majority of the valid votes cast during the said plebiscite choose to ratify the Bangsamoro Organic Law, the commission would like to take this opportunity to extend our deepest gratitude and congratulations to all the men and women who work tirelessly for the success of this plebiscite.”

Nakatakda namang magpadala ang Comelec en banc, ang tumatayong NPBOC, ng kopya ng kanilang desisyon sa Pangulo, Senado at Kamara para sa pagpapatibay ng ratipikasyon sa Bangsamoro Organic Law.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , , , , ,