58 stranded OFWs sa Bahrain, nakauwi na sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | December 2, 2021 (Thursday) | 4757

METRO MANILA – Nakauwi na sa Pilipinas ang 58 stranded Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Bahrain noong November 26, 2021 dahil sa patuloy na repatriation program ng Philippine Embassy. 10 sa mga ito ay mga nabilanggo kasama ang dalawang buwang gulang na sanggol na anak ng isa sa mga nabilanggo.

Ang mga nasabing bilanggo ay kinulong sa Female Detention Center dahil sa ibat’t ibang kasalanan. Ngunit kahit tapos na ang kanilang mga sistensya, hindi agad sila makaalis sa Bahrain dahil sa kakulangan ng mga upuan sa eroplano pauwi ng Pilipinas.

Dahil sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng embahada sa Department of Foreign Affairs at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ibinigay ng Gulf Air ang mga karagdagang upuan para sa mga stranded na kababayan natin.

Nakipag-ugnayan din ang Embahada sa Labor Market Regulatory Authority, Nationality, Passports and Residence Affairs, Bahrain Police at General Directorate for Reform and Rehabilitation ng Kingdom of Bahrain sa pagproseso at pagbibigay ng exit clearance para sa mga repatriate.

Samantala, bilang bahagi ng COVID-19 response na programa ng ating pamahalaan, ang Embahada ay patuloy na nabibigay ng tulong para sa pagpapauwi sa mga nahihirapang Filipino mula Bahrain.

(Zy Cabiles | Laverdad Correspondent)

Tags: ,