50k family food packs para sa mga apektado ng Bagyong Ompong, inihahanda ng DSWD araw-araw

by Radyo La Verdad | September 17, 2018 (Monday) | 5047

Walang tigil ang ginagawang repacking ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga family food packs at hygiene kits para maipadala sa mga pamilyang apektado ng pananalasa ng Bagyong Ompong sa bansa; partikular na ang mga nasa Rehiyon 1,2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa DSWD relief operation center sa Pasay City, labindalawang oras na tuloy-tuloy ang operasyon. Limampung libong food packs anila ang kanilang target na maihanda bawat araw.

Ngunit kahit na makina na gumagawa ng bulto ng trabaho, nangangailangan pa rin anila sila ng nasa apatnaraang volunteers araw-araw.

Bukod sa pagkain, may hygiene kits ding inihahanda ang kagawaran. Laman nito ang tuwalya, underwear, t-shirt, shorts, tsinelas, kumot, banig, kulambo, malong, timba, toothpaste, sabon at iba pang pangunahing gamit pangkalinisan.

Paalala naman ng kagawaran na hindi dapat na ipagbili ang mga ipinamimigay nilang food packs at hygiene kits.

Samantala, panawagan naman ng kagawaran sa mga nais na magvolunteer, makipag-ugnayan lamang sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga hotline.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,