50 divers at DENR, nagsagawa ng marine biodiversity assessment at under water clean-up sa Boracay

by Radyo La Verdad | October 23, 2018 (Tuesday) | 2017

BORACAY, Philippines – Nasa limampung divers kasama ang marine biologist at iba pang kawani ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR ang nagsagawa ngayong araw ng marine biodiversity assessment at under water clean-up sa mga karagatan sa paligid ng Boracay Island.

Pinuntahan ng divers at ng BMB ang dive site suot ang kani-kanilang diving gears at dala ang mga sako, mga pang-ipit at flag markers.

Nais ng DENR na matignan ang kalagayan ng marine life o mga yamang dagat sa paligid ng Boracay.

Balak din ng DENR na gamitin ang resulta sa kanilang marine biodiversity assessment sa paggawa ng mga panuntunan sa pagre-regulate ng mga water sports activity sa isla.

Ayon sa DENR, sakaling makita nila na malaki ang damage sa mga corals ay hindi na muna papayagan ang mga water sports activities upang bigyang daan ang rehabilitasyon sa marine biodiversity ng Boracay.

Kasabay ng marine biodiversity assessment ay nagsagawa rin ng underwater clean-up ang mga diver.

Kabilang sa mga nakuhang basura ay mga bote ng alak at plastic bottles na karaniwang naiiwan at itinatapon mula sa mga offshore beach parties at island hopping.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,