5 drug pusher, arestado sa magkahiwalay na buy bust operation sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 24239

Nagtuturuan ang dalawang kabataang sa Quezon City kung sino ang may-ari ng kaha ng sigarilyo na naglalaman ng hinihinalang shabu nang maaresto sila sa buy bust operation ng Quezon City Police District Station 3 sa tapat ng isang fast food chain sa Barangay Culiat sa Quezon City, alas nuebe y medya kagabi.

Ayon sa PNP, nakabili umano ng shabu ang kanilang operatiba sa isa sa mga suspek na si Yassher Logan, pero itinanggi naman ito ni Yassher. Sinabi niya na inaya lang daw siyang sumama ng kaibigan niyang si Julhamin Isla. Sagot naman ni Isla, inaya lang din daw siya ni Yassher na bibili sa fastfood chain.

Narekober sa mga suspek ang sampung gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng animnapung libong piso.

Samantala, tatlo naman ang naaresto sa buy bust operation ng QCPD Station 7 sa Donya Soledad Avenue Extension, Barangay Don Bosco, Paranaque City.

Unang nagtransaksyon ang mga suspek at ang nagpanggap na buyer sa Cubao sa Quezon City pero nagbago umano ang isip ng mga suspek at nag-aya sa isang mall sa Paranaque.

Kinilala ang mga suspek na sina Herna Tammyang alyas “Ayang”,  ang lider ng grupo, Fatma Saabdulama alyas “Fat” at Hassan Taman alyas “Nur”.

Narekober sa mga suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na naglalaman ng 200 gramo na street value na 1.36 milyong piso, dalawang pirasong 1,000 pisong bill buy bust money, dalawang cellphone at 150 piraso ng budol money.

 

( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )

Tags: , ,