Tumanggap ng ayudang pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development Field Office XII (DSWD FO XII) ang 46 na mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Alabel, Saranggani Province, nitong Lunes (Marso 1).
Ang mga dating rebelde na naapektuhan din ang pamumuhay dahil sa pandemya, ay tumanggap ng P5,000 cash assistance sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.
Kabilang din sa pinagkalooban ng tulong pinansiyal ay ang mga naging biktima ng gulo na dulot ng mga rebeldeng NPA.
Sa kabuoan, nasa mahigit 200 na indibidwal na binubuo ng mga dating rebelde at mga biktima ng digmaan sa nasabing lugar ang tumanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ayon kay Amor Danway, 21 taong gulang, isa sa mga dating rebelde na nakatanggap ng tulong, sumapi siya sa rebolusyon dahil sa pangakong bibigyan siya ng magandang buhay at libreng edukasyon.
Ngunit napatunayan niya na hindi ito totoo dahil sa halip na siya ay makapag-aral ng libre, ay tinuruan siya na humawak ng baril at makipagdigma laban sa gobyerno.
Nagpapasalamat siya na walang masamang nangyari sa kaniya noong kasapi pa siya sa kilusan.
Samantala, nasa mahigit 200 residente naman ng Banga, South Cotabato ang tumanggap ng P3,000 cash at food packs mula sa pamahalaan.
Bahagi pa rin ito ng kampanya ng gobyerno upang malabanan at tuluyang matuldukan ang mga gawain ng mga rebelde sa nasabing lugar.
Ayon kay DSWD Regional Director Cezario Joel Espejo, nagpapakita ito na hindi titigil ang pamahalaan na hikayatin ang mga rebelde na tigilan na ang pakikipagdigma at magsimula na ng bagong buhay.
“We are all for peace. And we will not stop until we achieve it,” pahayag ni DSWD Regional Director Espejo.
(Raymund David | La Verdad Correspondent)
Tags: NPA