3 miyembro ng gabinete ng Trump admin, nais makipagdayalogo ukol sa pagbili ng armas ng Pilipinas – Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | August 24, 2018 (Friday) | 2316

Sumulat umano kay Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong miyembro ng gabinete ni United States President Donald Trump na sina Secretary of State Mike Pompeo, Secretary of Commerce Wilbur Louis Ross Jr. at Secretary of Defense James Mattis.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga sundalo sa Davao City, binasa ng Pangulo ang bahagi ng sulat na nagpahayag ng suporta sa modernization ng program ng pamahalaan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nais din umano ng mga ito na makipagdayalogo sa punong ehekutibo upang makipagpartner sa pagbili ng bansa ng mga armas.

Sa sulat ay ipinagmalaki ng mga ito na ang US ay walang kapantay sa pagsusuplay ng mga state of the art technology at may magandang track record bilang isang partner.

Ayon kay Pangulong Duterte, tila nais ng US na makabawi sa Pilipinas matapos aniya siyang dumistasya sa mga ito.

Dagdag pa nito, nais muna niyang mapatunayan ang sinseridad ng mga ito lalo na at una nang ipinatigil ng US State Department ang pagbebenta ng assault rifles sa PNP noong 2016.

Ito ay matapos ang pagtutol ng isang US senator sa pangambang magamit ang mga armas sa umano’y paglabag sa karapatang pantao dahil sa isinasagawang war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ayon sa Pangulo, handa rin siyang makipag-usap sa mga ito ngunit wala syang plano na lumipad patungong Estados Unidos.

Matatandaang ilang beses ng inihayag ni Pangulong Duterte ang pagnanais na bumili ng mga armas at mga helicopter sa Russia at China.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,