29 na kasunduan, pinirmahan sa pagitan ng Pilipinas at China sa pagbisita ni Chinese Pres. Xi sa bansa

by Radyo La Verdad | November 21, 2018 (Wednesday) | 4135

Sinaksihan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ang pagpirma sa 29 na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China kahapon sa Malacañang.

Inaasahang ang mga ito ang magsusulong ng ugnayan ng dalawang bansa.

May kaugnayan ito sa kooperasyon sa iba’t-ibang sektor tulad ng trade and investment, agriculture, education, infrastructure, culture, people to people exchanges at iba pa.

Kabilang na rin dito ang memorandum of understanding (MOU) on cooperation on oil and gas development sa South China o West Philippine Sea.

Ayon kay Chinese President Xi, handang magbigay ng ayuda ang China sa Pilipinas kabilang na ang paglaban sa iligal na droga, terorismo, at paggawa ng mga kalsada at bagong imprastraktura sa Marawi, maging sa pag-aangkat ng mga produkto mula sa Pilipinas tulad ng mga prutas at iba pa.

Sa usapin naman ng isyu sa South China at West Philippine Sea, ipagpapatuloy ang mga konsultasyon sa pagitan ng dalawang bansa at maging ng ASEAN.

Nagpahayag ng commitment si Pangulong Duterte na patuloy na makikipagtulungan sa Chinese President sa ikasusulong ng kapayapaan at pag-unlad sa kani-kaniyang mga bansa.

Kapwa din umaasa ang dalawang lider na mas lalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at China sa hinaharap. Ito ay matapos magkasundo sina Pangulong Duterte at Chinese President Xi na magkaroon ng comprehensive strategic cooperation ang Pilipinas at China.

Ngayong araw, bago bumalik ng Beijing si President Xi, makikipagpulong muna ito kina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, Senate President Tito Sotto at sa ilang kinatawan ng Filipino-Chinese community.

Itinuturing na makasaysayan ang pagbisita ni Xi sa bansa dahil siya ang unang state visit ng isang Chinese President sa Pilipinas sa loob ng 13 taon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,