240 pamilyang informal settlers, inilipat sa Cagayan de Oro

by Radyo La Verdad | May 24, 2022 (Tuesday) | 247

Inilipat ang nasa 240 pamilyang informal settlers (ISF) sa medium-rise resettlement buildings sa Cagayan de Oro City ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Eduardo Del Rosario.

Binubuo ng mga residenteng nakatira sa danger zone at calamity prone areas pati ng mga nakaligtas sa bagyong Sendong nitong 2011 ang mga benepisyaryo ayon sa DHSUD.

Bahagi ang mga hakbanging ito ng pagbibigay ng disente, abot-kaya at pangmatagalang pabahay ng Administrasyong Duterte sa mga Pilipino lalo na sa mga kapus-palad.

Ang resettlement project ay binubuo ng 40 gusali na makapabibigay ng tahanan sa 900 ISFs, matatagpuan ito sa loob ng 5 ektaryang Balubal Heights Subdivision Federation Inc. sa Barangay Balubal, Cagayan De Oro City.

Ang proyektong ito ay nasa ilalim ng DHSUD, Social Housing Finance Corporation (SHFC) at Local Government Unit.

Adhikain ng DHSUD at SHFC na makapagbigay tulong na pabahay sa mababang halaga at likas-kayang kalidad sa mga pamilyang may maliit na kinikita at mga naging biktima ng kalamidad.

Isa pang proyekto ang kasalukuyang ginagawa para sa mga Muslim-Christian Women’s Homeowners Association Inc. na binubuo naman ng mga naging biktima ng Marawi Siege nitong 2017 at iba pang naapektuhan ng bagyong Sendong.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)

Tags: