240 estudyante ng nasunog na PAO Elementary School sa Manaoag Pangasinan, sa makeshift classrooms muna magkakaklase

by Radyo La Verdad | June 7, 2018 (Thursday) | 7785

Ang masayang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante sa PAO Elementary School sa Manaoag, Pangasinan noong Lunes, nauwi sa kalungkutan dahil pagbalik nila kinabukasan, tinupok na ng apoy ang isang building sa paaralan.

Ayon sa Manaoag Bureau of Fire Protection, isang water dispenser na naiwang nakasaksak sa isang classroom ang pinagmulan ng apoy bandang alas singko ng hapon noong Lunes.

Mabilis na tinupok ng apoy ang anim na silid aralan, library at guidance office ng paaralan. Dahil dito, magtitiis muna ngayon sa make shift classrooms ang nasa dalawandaan at apatnapung mga mag-aaral ng grade 4, 5 at 6.

Kahapon, nag-inspeksyon na ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa paaralan upang makita kung ano ang maaring magawa upang agad na masolusyunan ang problema ng mga mag-aaral.

Kahapon dumating naman sa paaralan ang nasa isang daan at limampung monobloc chairs at dalawampung lamesa mula sa provincial government para magamit ng mga apektadong mag-aaral.

Iba’t-ibang paaralan din sa bayan ang nagdonate ng ilang armchairs.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,