Labing-isang araw bago ang halalan, inanunsyo ng Commission on Elections na hindi na itutuloy ang planong pagdaraos ng botohan sa mga mall.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, nagkaroon muli ng botohan ang en banc at mula sa dating 6-1 vote pabor dito naging 4-3 na ang botohan kontra sa panukala.
Kabilang sa mga nagbago ng boto sa mall voting sina Commissioners Arthur Lim, Christian Robert Lim at Luie Tito Guia.
Una nang tumutol sa mall voting si Commissioner Rowena Guanzon.
Ayon kay Chairman Bautista, isa sa mga naging dahilan ng pagbabago ng isip ng ilang commissioner ay ang sinabi ni dating COMELEC Commissioner Gregorio Larrazabal na hindi maaring maglipat ng presinto 45 araw bago ang halalan at kung ipipilit ay lalabas na iligal ang mall voting.
Batay sa plano 1,592 precincts o 337 clustered precinct na may mahigit sa 231,000 voters ang ililipat sa 80 mall sa buong bansa.
Ngunit ayon kay Bautista march 10 pa o 61 days bago ang eleksyon ay inaprubahan na ng mga miyembro ng en banc ang naturang hakbang sa pamamagitan ng isang resolusyon.
Humingi ng paumanhin ang COMELEC sa mga botanteng pumayag na mailipat sa mga mall ang kanilang presinto at naabala sa mga isinagawang hearing kaugnay dito.
Magpapadala din ng panibagong abiso ang poll body sa mga botante na unang nang nasabihan na sa mall sila boboto.
(Victor Cosare/UNTV NEWS)
Tags: mall voting