1 patay, pito ang sugatan sa bangaan ng bus at jeep sa Lucena City

by Radyo La Verdad | March 18, 2016 (Friday) | 2239

LUCENA
Sira ang ilang bahagi at sumampa sa barandilya ng tulay ang pampasaherong bus na ito matapos makabangaan ang isang jeep sa Diversion Road sa Lucena City kahapon.

Patay ang konduktor ng bus na si Reynaldo Teofila matapos siyang mahulog sa tulay na tinatayang may taas na apatnapung talampakan.

Sugatan naman ang driver ng bus na si Alberto Jubilo at lima pa niyang mga pasahero.

Sugatan rin ang driver ng jeep na si Arnel Barbacena pati na ang disi-anyos nitong pahinante.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon Provincial Police, nagmula pa sa Metro Manila ang AB Liner Bus nang makasalubong nito ang nag-overtake na jeep na puno ng mga kahoy sa Iyam Bridge.

Rumesponde sa insidente ang rescue unit ng Bureau of Fire Protection-Lucena at mabilis na inilabas ang mga pasahero ng bus dahil sa delikado nitong pwesto sa tulay.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng mga otoridad kung sino ang may pananagutan sa insidente.

Muli namang paalala ng mga otoridad sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho upang makaiwas sa sakuna.

(Japhet Cablaida/UNTV NEWS)

Tags: ,