Maghahain ngayon araw ng joint motion for reconsideration ang apat na petitioners na kumwestyon sa kwalipikasyon ni Senator Grace Poe na tumakbo bilang pangulo sa May nine elections.
Ayon sa mga petitioner, iaapela nila ang desisyon ng Korte Suprema na baligtarin ang pagkansela ng Commission on Elections sa certificate of candidacy ni Sen. Poe.
Kabilang sa kanilang kukwesyunin ay ang umano’y hindi majority ang naging desisyon ng mga mahistrado sa isyu ng citizenship at residency ng senadora.
Sinabi ni Associate Justice Antonio Carpio sa kanyang dissenting opinion na hindi pa tuluyang nareresolba ang isyu kay Poe dahil wala pang majority ruling sa issue ng citizenship ni Poe.
Sa siyam na mahistradong bumoto pabor kay Poe, pito lamang dito ang nagsabing natural born citizen ang isang foundling na gaya ni Sen. Poe.
Umaasa ang mga ito na dedesisyunan agad ng Korte ang kanilang motion for reconsideration.
Sakali mang muling hindi pumabor sa kanila ang Korte Suprema ay hihilingin nila sa Comelec na ideklara na lamang na nuisance candidate si Poe.
Sinabi naman ng kampo ni Senator Poe na nirerespeto nito ang hakbang ng mga petitioner at patuloy nila itong sasagutin.
Naniniwala rin sila na napapanahon nang magfocus na lamang sa mga diskurso ng eleksyon dahil na desisyunan naman na ng kataas taasang hukuman ang kanyang kaso.
(Darlene Basingan/UNTV NEWS)