Nakipagpulong na ang Department of Health sa mga Municipal Health Officer sa region 3 ukol sa mga hakbang na kanilang gagawin sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.
Ayon kay DOH Region 3 Director Dr. Leonita Gorgolon, iisa-isahin nilang babantayan at i-susurvey ang mga ito upang mamonitor kung magkakaroon ng negatibong epekto.
Ayon sa tala ng DOH region 3, umabot sa 205,000 na mga bata ang nabakunahan ng dengue vaccine, ito ay mula sa Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Bukod sa monitoring, tututukan din nila ang kalinisan sa kapaligiran upang maiwasang pamugaran ito ng mga dengue carrying mosquitos. Isa rin sa plano ng DOH region 3 na paliwanagan ang mga magulang ukol sa issue ngayon sa Dengvaxia.
Siniguro naman ng Department of Health na tutulungan nila ang sinumang magkakaroon ng side effect dahil sa naturang bakuna.
Muli namang binigyang-diin ng DOH na gumagawa na sila ng mga paraan upang malaman kung sino at saan nagkaroon ng pagkukulang sa pagpapalaganap ng dengvaxia at kung paano ito masosolusyunan.
( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )
Tags: Bakuna, Dengvaxia, DOH Region 3