Pagdinig sa isyu ng RCBC money laundering, sisimulan na ng Senado ngayong araw

by Radyo La Verdad | March 15, 2016 (Tuesday) | 1569

ROSALIE_SENATE
Magkakaharap-harap na sa Senado ngayong araw ang mga personalidad na idinadawit sa pinaniniwalaang pinakamalaking money laundering activity o iligal na pagpapasok ng salapi sa bansa.

Ito ay sina Maia Santos-Deguito, ang dating RCBC Jupiter Makati branch manager na inaakusahang nagfacilitate sa pagbubukas ng anim na bank account na pinaglagakan umano ng may 81 milyong dolyar na ilegal na inilipat sa Pilipinas mula sa Bangladesh Central Bank account ng mga umano’y hacker.

Gayundin si Lorenzo Tan, ang kasalukuyang Chief Executive Officer ng RCBC na itinuturo naman ni Deguito na nagbigay sa kaniya ng pahintulot na i-proseso ang mga naturang bank account at paglalagak ng laundered money.

Inimbitahan din ng Senate Blue Ribbon Commitee ang anim na iniulat na may-ari ng bank account na sina William Go, Michael Cruz, Jessie Lagrosas, Alfred Vergara, Enrico Vasquez at Kam Wong gayundin ang mga opisyales ng sangkot na casino.

Imbitado rin sina Central Bank Governor at Anti-Money Laundering Council Chairman Amando Tetangco Jr., Securities and Exchange Commission Chairperson Teresita Herbosa, Insurance Commission Head Emmanuel Dooc at AMLC Secretariat Executive Director Julia Bacay-Abad.

Samantala, una nang itinanggi ni William Go na may account ito sa RCBC at itinuro si Deguito na pumike ng kaniyang pirma upang mabuksan ang nasabing account.

Kahapon, ipinahayag ni Senator Teofisto Guingona The Third, ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na base sa ulat sa kanila ng Anti-Money Laundering Council, hindi gumana ang closed circuit television o cctv camera ng RCBC Jupiter Branch sa Makati nang araw na mangyari ang withdrawal ng 81 million US dollars noong February 5, 2016.

Ayon sa mga lumabas na ulat, nagbukas umano ng dollar account sa RCBC sina Go, Cruz, Lagrosas, Vergara at Vasquez noong May 2015 at hindi ito ginamit liban na noong February 5, 2016 kung kailan inilipat ang 81 million US dollars mula sa central bank of Bangladesh.

Halos lahat ng pera ay kinonvert sa piso sa pamamagitan naman ng remittance firm na Philrem.
At saka inilipat sa mga casino tulad ng Solaire Resort and Casino, Eastern Hawaii Casino and Resort at Midas Hotel Casino upang mailabas ng bansa.

Ngayong ala-una y media ng hapon mag-uumpisa ang Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon sa money laundering activity na ito na may sangkot na halagang 81 milyong dolyar o tatlong bilyon at pitong daang milyong piso.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,