2 paaralan sa QC, pinagmulta dahil sa pagtitinda ng sweetened beverages at junkfood

by Radyo La Verdad | June 29, 2018 (Friday) | 3824

Sa surprise inspection ng Quezon City Health Department kahapon umaga, natuklasan na nagtitinda ng tetra pack juices, mga biskwit na may asukal, banana cue at junkfood ang school canteen ng Lagro High School at Pasong Tamo Elementary School.

Ayon sa City Health Department, paglabag ito sa City Ordinance No. 2579 o ang Quezon City Anti-Junk Food and Sugary Drink Ordinance. Pinagmulta ng tig-iisang libong piso ang pamunuan ng school canteen.

Paliwanag ng ilang guro, hindi pa malinaw na naibababa sa kanila ang nasabing ordinansa.

Kabilang sa listahan ng mga ipinagbabawal na ibenta sa mga school canteen sa Quezon City ay ang lahat ng klase ng sweetened beverages, junk food, mga biscuit na may fillings, donut at banana que.

Mga processed food gaya ng hotdog, meat loaf at corned beef pati mamantikang pagkain gaya ng french fries. Bawal ding ilagay sa mga canteen ang mga condiments  gaya ng patis at toyo. Dapat din malinis ang school canteen at hindi naka-expose ang mga pagkain.

Ayon kay Quezon City Heath Officer Dr. Vedades Linga, base sa pag-aaral ay tumataas ang bilang ng mga kabataang nagkakaroon ng sakit gaya ng diabetes at hypertension dahil sa kanilang kinakain.

Base pa rin sa ordinansa, pinagbabawalan ang mga tindahan sa labas ng paaralan na magbenta ng mga nabanggit na pagkain sa mga estudyante.

Isang libong pisong ang multang ipapataw sa unang paglabag, dalawang libo sa ikalawa at limang libong piso sa ikatlong paglabag at posible pang tuluyang ipasara ang school canteen.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,