2 hinihinalang miyembro ng “sangla tira” scam sa Caloocan City, arestado sa entrapment operation

by Radyo La Verdad | June 7, 2018 (Thursday) | 3989

Hindi na nakaporma pa ang dalawang babae na ito na umano’y miyembro ng “sangla tira” scam sa A. Mabini street sa Caloocan City.

Nagsagawa ng entrapment operation ang Northern Police District Criminal Investigation and Detection Group laban sa mga suspek at nabitag ang mga ito.

Nakilala ang mga suspek na sina Evelyn de Jesus, 33 anyos, na target ng operasyon at si Rose Crisostomo, 36 anyos na agent nito.

Nasa sampu na complainant ang dumulog sa NPD kung saan nabatid na umabot sa dalawang milyong piso ang natangay ni Evelyn.

Ayon sa ilang complainant, isinangla ng suspek ang isang bahay sa barangay 35 at barangay 28 sa Caloocan City sa halagang 110,000 piso kapalit na interest na tubo kada buwan.

May iprinisinta pa umano na titulo ng lupa ang suspek ngunit peke pala ang mga ito. Handa naman ang suspek na ibalik ang pera sa kanyang mga nabiktima.

Hinihikayat naman ang iba pang mga biktima ng scam na lumantad na rin o tumawag sa kanilang himpilan sa NPD-CIDG at maghain ng reklamo laban sa mga suspek.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,