2 barangay at mga hotel sa Maynila isinailalim sa lockdown ni Manila Mayor Isko Moreno

by Erika Endraca | March 10, 2021 (Wednesday) | 38901

METRO MANILA – Isinailalim ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong Martes (March 9), ang dalawang barangay at ilang mga hotel sa 4 na araw na lockdown dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Pinirmahan ng alkalde ang Executive Order No. 06 na naglalayong mas paigitingin pa ang contact tracing, disease surveillance at COVID Testing bilang responde sa pagkalat ng virus sa Barangay 351 at 725.

Magsisimula ang lockdown ngayong Huwebes, March 11 – 12:01 ngmadaling araw hanggang sa Linggo, March 14, 11:59 ng gabi.

Ayon sa datos ng Manila Health Department, umabot na sa 12 kasong active cases ang naitala sa Barangay 351 at 14 na active cases naman sa Barangay 725.

Kaugnay nito, isasailalim din sa lockdown ang 2 hotel sa Barangay 699 na nakapagtala ng 17 active cases. 14 dito ay mula sa Malate Bayview Mansion at 3 naman sa Hop Inn Hotel.

Inirekomenda din ng MHD na ideklara at isailalim ang mga nasabing barangay sa “Critical Zones” na kung saan ay Enhance Community Quarantine (ECQ) guidelines ang paiiralin.

Ayon kay Domagoso, ang mga residente ng mga nasabing barangay ay mananatili sa kanilang mga tahanan at hindi maaaring lumabas.

Papayagan lamang ang mga health workers, military personnel, service, utility workers, essential workers, mga barangay at mga media personnel na accredited ng Presidential Communications Operations Office at Inter-Agency Task Force.

Sa datos ng MHD, mayroong 154 na active cases ang naidagdag kahapon (March 9) at pumalo na sa 988 na aktibong kaso ang naitatala ng lungsod.

Kaugnay nito ay 74 na ang mga gumaling at 2 ang namatay ngayong araw. Sa kabuuan, 27,639 na ang naitalang gumaling at 817 dito ang nasawi.

(Jasper Barangan | La Verdad Correspondent)

Tags: ,