Motorcycle rider patay sa vehicular accident sa Quezon City

by Radyo La Verdad | March 10, 2016 (Thursday) | 2097

MOTORCYCLE-RIDER
Nakahandusay at wala nang buhay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki ng madatnan ng mga pulis matapos mabangga ang minamaneho nitong motorsiklo ng isang SUV sa Roosevelt corner Pat Senador Street sa Quezon City pasado alas onse kagabi.

Ayon sa ilang nakakita sa pangyayari matulin ang takbo ng motorsiklo at patay pa umano ang headlight nito.

Ayon naman sa driver ng SUV na si Emiliano Onas II, papaliko na siya patungong Pat Senador Street nang biglang bumangga ang motor sa kanyang sasakyan.

Sa lakas ng impact wasak ang motorsiklo at tumalsik ang biktima sa kalsada at dahil walang helmet ay tumama ang ulo nito sa semento na hinihinalang naging dahilan ng pagkasawi nito.

Basag naman ang windshield at yupi ang kanang bahagi ng SUV.

Patuloy namang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima dahil walang anumang identification cards na nakuha dito.

Dinala na ang bangkay sa punenarya habang iniimbestigahan naman ang driver ng SUV sa Quezon City Traffic Sector 1.

(Reynante Ponte/UNTV NEWS)

Tags: ,