Anim sa pitong miyembro ng Comelec en Banc, mga senior official ng poll body at mga kinatawan ng Smartmatic ang dumalo sa ipinatawag na emergency meeting sa Sta. Rosa, Laguna warehouse ng Comelec kahapon.
Tinalakay sa meeting ang ruling ng Korte Suprema na nag-aatas sa Comelec na i-activate ang vote verification feature ng Vote Counting Machine at magbigay ng resibo sa mga botante upang maberipika kung tama ang binasang boto ng makina.
Hindi idinitalye ng Comelec ang napag usapan sa pulong.
Subalit una nang sinabi ng komisyon na dahil sa SC ruling, kailangang i-re configure ang mga sd card ng VCM dahil hindi naka program na mag imprenta ng resibo ang mga makina at ang tanging gagana lamang ay ang onscreen verification.
Kailangan ding bumili ng karagdagang thermal papers, re-training sa mga guro na magsisilbing Board of Election Inspectors at ang pag amyenda sa general instructions para sa mga BEI upang maisama ang aspeto ng pag imprenta ng voters receipt.
Iginiit din ng Comelec na posibleng madagdagan ng sampung oras ang voting period dahil sa pag imprenta ng resibo.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista isa sa gagawin ng Comelec sa ngayon ay ang paghahain ng motion for reconsideration sa SC sa lalong madaling panahon upang maipakita sa mga mahistrado ng korte kung bakit hindi lapat sa kasalukuyang electoral system ng bansa ang mag imprenta ng resibo.
Isang Special en Banc session naman ang isasagawa ngayon araw ng Comelec upang talakayin at desisyunan ang adjustment na gagawin kaugnay sa Supreme Court ruling sa pag-iisyu ng vote receipts.
Ayon sa Comelec lahat ng posibilidad ay kanilang pinag-aaralan kabilang na ang pag-delay sa halalan at ang pagbalik sa manu-manong botohan.
(Victor Cosare/UNTV NEWS)