Mas mababang flagdown rate sa regular at airport taxis, inaprubahan na ng LTFRB

by Radyo La Verdad | March 9, 2016 (Wednesday) | 2366

TAXI
Naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng desisyon sa petisyon na ibaba ang flag down rate sa regular at airport taxi sa buong bansa maliban sa Cordillera Region.

Ibig sabihin nito ay permanente na ang trenta pesos na flag down rate sa mga regular taxi gayundin ang P3.50 sa distance rate para sa 300M ay ginawa nang 500M at P3.50 rin sa waiting time kada 90 seconds.

Sisenta pesos naman ang permanent flagdown rate sa airport taxi, P4.00 ang distance rate per 500M at P4.00 rin naman sa waiting time rate kada 90 seconds.

Habang trenta pesos ang permanent flagdown rate sa mga taxi sa Baguio City, P2.00 ang distance rate per 400M at P2.00 ang waiting time kada 60 seconds.

Sa pagaaral ng LTFRB, sinubukan nila kung magkano ang matitipid kapag ginamit ang bagong rate kumpara sa dati.

Lumabas na nakatipid ng mahigit trenta pesos ang mga pasahero.

Simula March 19 ay dapat na i-calibrate na ang lahat ng mga taxi sa buong bansa

May skedyul ang LTFRB sa lahat ng mga taxi upang hindi magkasabay sabay sa calibration nanagkakahalaga ng P550 kada unit.

Simula ngayon araw ay ipa-publish ng LTFRB ang bagong flagdown rate sa mga pahayagan, matapos ang sampung araw ay ganap na itong ipatutupad

Ang mga mahuhuling lalabag sa bagong flag down rate at hindi calibrated ang metro ay magmumulta ng limang libong piso.

Ayon sa LTFRB, ang patuloy na pagbaba ng presyo ng gas at diesel ang pangunahing dahilan kung bakit ibinaba ang flagdown rate sa taxi.

Sa panignaman ng mga taxi operator malaking kalugihan ito sa kanilang mga driver.

Ayon sa mga operator bumaba ang pasahe ngunit hindi naman nagbabago ang halaga ng boundary na umaabot ng 1200 kada araw.

Ayon naman sa mga driver, problema ito sa kanila dahil kadalasan ay sa kanila ipinapapasan ang pagbabayad sa P550 na pag -calibrate

Hindi naman naaprubahan ang petisyon na maibaba ang pasahe sa mga UV express habang ang bawas pasahe sa bus ay nakabinbin pa rin hanggang ngayon sa LTFRB.

(Mon Jocson/UNTV NEWS)

Tags: ,