Banggaan ng jeepney at motorsiklo sa Binondo Manila nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team at iba pang rescue unit

by Radyo La Verdad | March 1, 2016 (Tuesday) | 1369

BENEDICT_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang aksidente na kinasangkutan ng motorsiklo at jeepney sa Dasmariñas Street corner Juan Luna Street Binondo Manila pasado alas tres kaninang madaling araw.

Nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang angkas ng motorsiklo na si Chen Xiao Lui, isang Chinese national na nagtamo ng posibleng bali sa kanang binti at sugat sa ulo.

Dumating din ang Raha Rescue Unit at agad na inasikaso si Jinshu Gou, drayber naman ng motorsiklo na nagtamo ng sugat sa ulo.

Patuloy naman na binantayan ang kalagayan ng biktima habang nasa loob sila ng ambulansya, dito inalam ang vital signs at iba pang posibleng pinsala na tinamo nila sa aksidente.

Kapwa dinala sa Metropolitan Hospital ang mga biktima upang mabigyan ng kaukulang atensyong medikal.

Samantala, agad na tumakas ang jeepney driver matapos ang aksidente.

Sa ngayon, hawak na nang Manila Traffic Bureau ang kaso.

(Benedict Galazan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,